Ang tinig na pilit pinatahimik

(Hango ang sumusunod sa sinulat na panimula ni Jose Lacaba sa librong Salvaged Poems, isang koleksyon ng mga tula ng kanyang nakababatang kapatid.)

Marami ang mga tinig na pilit pinatahimik noong Batas Militar. Kung bibilangin ang mga nawalang mga inhinyero, makata, negosyante, guro, mamamahayag, manggagamot, atbp, tunay na kalunos-lunos ang katotohanang napakarami sa ating pinakamatatalino at pinakamagagaling na kababayan ang nawala sa ating bansa ng mga panahong iyon. Hanggang ngayon, sa halip na makatulong ang mga tinig na ito sa pagtataguyod ng ating bansa, tahimik na silang lahat at ang mga kakaunting alingawngaw na lamang ng nakaraan ang maaari nating marining.

Kasama na sa mga nawawalang ito ang mga titik, dula, at tula ni Emmanuel Lacaba – dating patnugot ng pahayagang Guidon ng Ateneo de Manila, dating aktor ng Philippine Experimental Theater Association (PETA), guro ng buhay ni Dr. Jose Rizal sa UP Diliman, at bahagi ng armadong pakikibaka. Nakisalamuha siya sa pakikibaka ng mga inaaping mga manggagawa. Nagsisimula pa lang maging uso noon ang pagtatanggol sa karapatan ng mga maliliit at isa si Eman sa mga nakakita agad ng halaga nito at ang pangangailangang gawin ito.

Manunulat si Eman. Isa siyang makata at ginamit niya ang kakayahang ito upang ipahayag at ipaalam sa higit na nakararami ang hinaharap ng maraming mga Pilipino. At dahil nga nakatodo bantay ang mga galamay ng pamahalaan ni Marcos sa lahat ng maaaring masabi ukol sa pamahalaan, sandali lang ay natunugan na nila ang mga pahayag nitong hindi na tahimik na guro ng UP.

Habang nagtuturo pa siya, sumali siya sa isang welga sa Pasig at binuwag naman ito ng mga pulis. Isa si Eman sa mga naaresto at ikinulong pagkatapos ng hindi kakaunting palo ng batuta ng mga katunggaling pulis. Dahil na rin siguro sa mga pangyayaring ito, hindi na siya ipinagpatuloy sa kanyang pagtuturo ng mga namumuno ng UP.

Malamang sa mga panahong ito nagsimula ang kanyang

51bmxG6ZJsL._SX331_BO1,204,203,200_

Mga tula ni Eman

pag-iisip na mamundok na. Naging aktor at manunulat siya ng mga dula para sa PETA at ginagawa ang mga titik sa theme song ng Tinimbang ka Ngunit Kulang ni Lino Brocka. Tumutulong na rin siya sa ilang mga pelikula.

Taong 1974 noong nagpaalam siya sa nakatatandang kapatid na sa si Pete na kapwa rin manunulat at noo’y nakapiit sa Camp Crame dahil din sa kanyang mga isinulat laban sa diktadurya. Pupunta na raw siya sa Mindanao. Mula noon, wala nang narinig ang pamilya niya ukol sa kanya. Ang mga narinig lang nila ay ang pagkamatay niya.

Kasama sa pira-pirasong narinig nila sa mga kwento ng iba ay ang mga sumusunod:

1) Parati raw siyang nagsusulat. Kung wala nang papel, kahit sa balat ng kaha ng sigarilyo na lang. Lahat isinulat niya kasama na ang mga samu’t-saring naging paghihirap niya.

2) Nang matuto na siyang magsalita ulit ng Bisaya (sa Mindanao siya ipinanganak at doon lumagi hanggang pitong taong gulang), nilapatan niya ng mga bagong makabayang titik ang ilang mga tanyag na mga awitin.

3) Nagbago na ang uri ng kanyang mga tula mula sa mas matalinhagang o hindi tahasang paglalahad tungo sa higit na kalinawan at kapayakan. Sa madaling salita, mas kaya nang maabot ng mga hindi makatang tulad ko.

Noong 1975, inilipat siya sa Davao del Norte. Ang hindi niya alam, may isa na palang kasama sa kanila grupo na nahuli ng militar ni Marcos at napabaliktad na marahil dala ng pananakot at torture. Itong taong ito, kilala bilang “Martin” ang nagdala sa mga militar at mga kasapi ng Civilan Home Defense Forces (CHDF) sa lugar kung saan daraan ang grupo nila Eman.

Umaga pa noon at nag-aalmusal pa lang sila sa isang barrio. Alam nilang may militar na sa paligid ngunit pinili nilang hindi lisanin ang lugar. Kunsabagay, mas halata nga naman kung kakaripas pa sila ng takbo. Ang hindi nila alam, yun nga kasama na ng militar si Martin at alam nito na ang isinampay nilang mga basang damit sa labas ng bahay ay kanila. Pinaputukan agad ng militar ang bahay nang walang paghingi ng pagsuko. Dalawa agad ang patay sa maliit nilang grupo at si Eman lang at isang buntis na desi-otso anyos ang nanatiling buhay.

Nung tumigil ang putukan, si Martin pa mismo ang tumulong kay Eman upang maglakad. Hindi na rin ata niya alam ang susunod na mangyayari. Pagkalabas nila ng barrio, naisip siguro ng mga sundalo na mas mabusisi pa kung buhay pang dadalhin sa kanilang kampo sina Eman kaya’t pinasya nilang wala na lang dapat mabuhay pa sa kanilang mga nahuli. Pinaputukan ang kawawang buntis at inabutan ng isang sarhento kwarenta y singko si Martin upang todasin na si Eman. Una siyang tumanggi kaya pinilit siya. Si Eman na mismo ang nagsabi sa kanyang ituloy na ang pagbaril.

Ipinasok ni Martin sa bibig ni Eman ang baril at dito ipinutok – ang utak na pinanggalingan ng mga titik ng ilang mga awitin, ng mga tulang nagpaalab ng mga damdamin, ng mga salita ng pagmamahal at pangako ng pag-asa, at ng mga eksena ng mga makasaysayang dula ay pinasabog at pinatahimik sa pamamagitan ng isang balang kwarenta y singko.

Pumunta ng Tagum ang nanay ni Eman upang kilalanin ang kanyang bangkay sa isang mass grave. Nakagapos pa ang kanyang mga paa at may tandang kinaladkad ang kanyang katawan na parang kinatay na hayop. Dahil naaagnas na ang kanyang mukha at katawan, ang mga nunal niya sa katawan ang naging palatandaan ng kanyang ina.

Ito ang estado ng kanyang katawan nang dumating ito sa Maynila para sa kanyang burol. Ito ang katawan na bumati sa kanyang mga kapatid, asawa, at anak.

Siguro sa mga panahon ngayon (apatnapu’t isang taon na nga naman ang nakalilipas), may mga magsasabing, “E kasi naman sumali sa mga komunista at nanggulo sa katiwasayan ng bayan.”

Hindi ganoon e. Dumating ang mga panahon noon na hinding-hindi ka man lang makapagsalita ng kahit anong masama ukol sa pamahalaan at dahil sa patuloy na paniniil sa mga mahihirap, sa mga manggagawa, at ang parang kawalan ng pakialam ng mga mayayaman, marami ang nag-isip na parang wala na nga atang pag-asa sa loob ng lipunan.

Pete-Lacaba-1024-280x280

Si Pete Lacaba, kuya ni Eman

Nasaan na ang kapatid ni Eman na si Pete? Patuloy siyang nagsusulat at hindi kakaunti ang mga sineng nagmula sa kanyang mga karanasan tulad ng Sister Stella L., Orapronobis, Bayan ko: Kapit sa Patalim, atbp. May mga panahon ding nagturo siya ng screenwriting at isa ako sa mga naging estudyante niya.

Minsan, nagkita kami ni Sir Pete sa isang kainan at kahit hindi na niya ako malamang nakilala, nangahas akong lumapit sa kanya at buong pagmamalaking sinabi sa kanyang, “Sir, ipinangalan ko ang panganay ko sa inyong dalawa ni Eman – Jose Emmanuel.” Dito napangiti ko ang dati kong guro.

Patuloy ang pag-usad ng panahon pero ang nananatiling mga tanong ay tulad nito: Paano nga kaya ang nangyari kung hindi nawalan ng buhay ang ating mga kabataan sa panahon ng diktadurya? Kung hindi pilit binusalan ang mga bibig at patahimikin ang mga tinig ng ating mga makata?

Anong uring mga kwento at kasaysayan kaya ang naibahagi nila sa atin? Anong tulong at pagbabahagi kaya ang maari nilang naiambag nila sa lipunan?

Hindi na natin malalaman. Tahimik na si Eman. Tahimik na silang lahat.

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s